Biggel:"Promdihirang Tisoy of Marinduque"!
Masaya at sagana sa luho ang buhay na kinagisnan ni Biggel sa Maynila sa kanyang murang edad.
Ito ang araw na pinaghinalaan ng kanyang German na ama na nangangaliwa ang kanyang ina at napilitan silang umalis ng bahay. Dahil dito ay iniwan si Biggel at ang kanyang nakababatang kapatid na babae ng kanilang ina sa pangangalaga ng kanyang lolo’t lola, sa pangakong isang araw siya ay babalik muli upang buuin ang kanilang pamilya. Kinalauna’y nakalimutan na ni Biggel ang kanyang nakagisnang buhay sa Maynila at natutong mamuhay sa probinsya.
Dala na rin ng kanyang pagmamahal sa kapatid at pag-asang mapag-aral ito sa kolehiyo, pinasok ni Biggel ang iba’t ibang uri ng hanapbuhay. Madaling araw siya nagigising upang mangisda, sa araw ay nagiging abala sa kanilang sagingan at mga alagang baka at kapag may libreng oras ay nagse-service bilang make-up artist sa punerarya. Minsang bumalik ang kanyang ama upang sila ay bawiin ngunit tinanggihan ng kanyang lolo’t lola maging ang binibigay na salapi ng ama dahil sa umano’y kasunduan nila ng kanyang ina.
Nagsumikap si Biggel makatapos ng high school upang may maipagmalaki sa nawalay na ina na inasahan pa rin niyang babalik. Lumipas ang graduation ngunit ni anino ng ina’y hindi niya nakita. Naisip niyang puntahan ang kanyang ama sa Maynila, pero matapos ang mahaba nilang paglalakbay mula Mindoro ay pinaratangan lamang siya ng kanyang ama na ang habol lamang niya ay ang kaniyang pera. Inasam lamang ni Biggel na muling magkaroon ng ama sa kanyang buhay ngunit, hindi pinansin ng kanyang ama ang kanyang mga pakiusap. Isang araw ay nabalitaan ni Biggel mula sa isang kapitbahay na namatay na raw ang kanyang ina. Pinili niyang maging matapang sa harap ng kanyang nakagisnang pamilya, lalo na ang kanyang nakababatang kapatid, ngunit hindi rin niya naitago ang sakit na naramdaman.
Mabuti na lamang at madali ring naitama ang maling balita sa pagtawag mismo ng kanyang ina na ilang taon niyang hindi nakausap. Muling nabuhayan ng loob si Biggel sa pagkakataong marinig uli ang boses ng kanyang ina. Malungkot man ang kanyang pinagdaanan, para kay Biggel, hindi siya nag-iisa. Wala man ang kanyang mga magulang ay sagana pa rin siya sa pagmamahal ng kanyang kapatid at lolo’t lola. Isa lamang ang kanyang hiling: ang maging buo ang kanyang pamilya kahit sa isang huling pagkakataon. Maging daan kaya si Kuya sa katuparan ng kanyang hiling?
0 comments:
Post a Comment